Shared Reflection of Br. Jose Mari Jimenez FSC on the 45th Anniversary of Martial Law 21 September 2017, Parish of the Holy Sacrifice, UP Diliman
Mga kapatid, magandang hapon. Tayo ngayon ay natitipon sa ikadalawampu’t-isang lingo sa pangkaraniwang panahon; sa araw ng Kapistahan ni San Mateo at sa ika-labingapatnapu’t limang taon mula nang maideklara ni Marcos ang kanyang Batas Militar.
Hindi ko alam kung saan ko sisimulang isalaysay sa inyo ang nararamdaman kong pagmamahal para sa ating bayan. Ngayon, higit noong mga nakaraang mga taon, mas dama ko na ako ay Pilipino, na iniibig ko ang Pilipinas at nais kong manindigan para kanya. Kagaya ng marami sa inyo, pangkaraniwan din akong mamamayan. Ang gusto ko lang ay isang tahimik na buhay. Pero nitong mga nagdaang mga araw, alam ko at alam din ninyo na hindi na sasapat ang manahimik na lamang. Nais kong muling mangarap para sa ating bayan. Kung kaya nating likhaing muli ang Pilipinas, nais kong ibalik sa kanya ang mga adhikaing may dilag ng tula at awit – mga maaalab na adhikaing magpapatunay na siya ay lupang hinirang at duyan ng mga magigiting.
Sa ating unang pagbasa, hinihikayat ni San Pablo ang kanyang mga taga-sunod sa Efeso – mamuhay kayo ng marangal – mapagpakumbaba, mahinahon, mapayapa. Kalingain ninyo ang bawat isa dahil ito ang inyong pagkakakilanlan kay Kristo. Mamuhay kayo ng marangal. Marangya ang pangitaing inilatag ni San Pablo dahil sa kanyang pananaw may angking kadakilaan ang bawat kabahagi ng katawan ni Kristo.
Labis-labis ang aking galak nang marinig ko ang paanyayang ito ni San Pablo: Mamuhay kayo ng marangal. Sabik na sabik akong makilala muli ang aking sarili na bahagi ng isang liping may dangal at may adhikaing dakila.
Sa ating Ebanghelyo, narinig natin na si Hesus ay umupo sa hapag at kumain kasama ang mga makasalanan. Hindi lamang kalam ng sikmura ang dahilan kung bakit nagtipon-tipon ang mga makasalanan sa hapag. Ang mga tinaguriang makasalanan na gaya ni San Mateo - gutom rin ang kanilang kamalayan. Wala na silang narinig mula sa kanilang mga pinuno kundi ang mga paratang na sila ay marumi at makasalanan. Mabigat ang ipinataw na hatol ng mga namumuno. Walang ginawa ang mga namumuno upang bigyang-laya at bigyang-buhay ang mga nalugmok ng kamalayan ng kanilang mga pinamumunuan. Sa piling ni Hesus, natugunan ang gutom na kamalayan ni San Mateo at ng mga tulad niyang makasalanan. Nabuksan ang kanilang isip na sila ay mahal din ng Diyos - na sila ay katanggap-tangap sa Panginoon at sila ay may halaga sa kanyang mga mata. Dahil sa pagtatangi na kanyang naranasan, si San Mateo ay nagkaroon ng bagong pagkakakilanlan sa kanyang sarili. Sa bisa ng pagmamahal ni Hesus, si San Mateo ay nagkaroon ng lakas ng loob upang mamuhay ng marangal.
Kailan natin muling maririnig sa mga namumuno sa atin ang ganitong paanyaya: Mamuhay kayo ng marangal. Walang batas na makapagtuturo ng karangalan. Hindi pwersang militar o pananakot ng mga nasa kapangyarihan ang makapaghahatid sa ating bayan sa dangal na kanyang inaasam. Katulad ng ipinahayag ni Kristo, tanging habag at kalinga ang gigising sa kakayanan ng bawat Pilipinong mamuhay ng may dangal.
Mga kapatid, mga kapwa ko Pilipino, hindi ang kakayanan ng baril na kumitil sa buhay ang dapat nating ipangamba. Ang pinakamalaking kawalan na idinulot ng Batas Militar ni Marcos, ay ang pagpatay nito sa ating kamalayang pambansa. Nang idineklara ang Martial Law – taong 1972 – iilan
lamang ang umalma. Iilan lamang ang nakaunawa sa totoong pakay Bagong Lipunan ni Marcos – ang agawin mula sa taong bayan ang kanyang mga karapatan. Sa ilalim ng Martial Law, napapaniwala tayong lahat na walang halaga ang buhay. Sa ilalim ng Martial Law, mahigit tatlumpu’t-apat na libo ang tinorture at pinahirapan; mahigit tatlong libo ang pinatay; at lagpas pitong daang katao rin ang ipinadampot at nawala.
Ang pagsugat sa ating kamalayang pambansa ay hindi nagtatapos sa pagkawala ng pagpapahalaga sa buhay at karapatang-pantao. Sa ilalim ng Martial Law, ang mga institutsyong dapat sana ay magsusulong sa ating mga adhikain – mga institusyong dapat sana ay kakalinga sa taong bayan – ang mga institusyong ito ay kinasangkapan upang mapapanaig ang pansariling interes ng iisang tao at ng mga malalapit sa kanya. Ang kapulisan at militar; ang batasan at ang hukuman ay hinubaran ng kani-kanilang mararangal na tungkulin sa bayan upang maging alipin sa hubad at lantarang pangangamkam ng kapangyarihan at yaman. Malalim ang sugat sa kamalayan ng ating bansa at hanggang ngayon, bihag pa rin tayo at ang ating mga institusyon ng mga tiwaling kaisipang ipinunla ng Martial Law.
Nagtipon tayo ngayon dahil naniniwala tayo na ang pagbibigay sa iisang tao ng kapangyarihang papanibaguhin ang ating lipunan ay hindi magbubunga ng mabuti. Hindi na dapat maulit pang muli ang Martial Law ni Marcos. Tutulan natin ang namamalas nating walang pakundangang pagpaslang sa ating mga kababayan. Ang kalakarang ito ay hindi sumasalamin sa tunay nating adhikain bilang bansa na mapagmahal sa katotohanan at katarungan. We have the right to demand change because what we seek – what we demand – is to uphold our Constitution. This same Constitution the president has sworn to uphold. We have the right to demand that this oath be honored. Ordinary citizens like you and me know that failure to carry out one’s sworn duty will have consequences. It must have consequences. Higit sa lahat, ang walang pakundangang pagpaslang sa mga pinamumunuan ay hindi sumasalamin sa ating kakayanan bilang mg Pilipino na maging mahabagin, mapagmalasakit at mapagkalinga. Simulan natin ang paghilom sa mga sugat ng ating bayan. Magsimula tayo sa panunumbalik natin sa ating tunay na pagkakakilanlan bilang bayang marangal. Huwag tayong padadala sa pananakot dahil sa huli, ito lang ang kaya nilang gawin. Tatakutin nila kayo hanggang sa maniwala kayong wala na kayong pinaninindigan. Huwag kayong padadala sa takot. Ngayon ay lalong higit nating kailangang linangin ang ating kagitingan at kabayanihan.
Nais kong ihabilin sa inyo ang paghimok ni Senator Pepe Diokno. Nakaranas siya ng pagkakakulong at pananakot noong panahon ng Martial Law ni Marcos. Ang kanyang buhay ay pagpapatunay na maaaring maging marangal ang panunungkulan sa pamahalaan kung ito ay may pagkilala sa mga adhikain at prinsipyong makatao. Wika ni Sen. Pepe Diokno:
Why be honest, when it pays to be dishonest? Why fight for others when they won’t fight for you? Or even for themselves? Why think for yourself when it would be easier to let others think for you?
The answer I think lies in what life means to you. If life means having a good time, money, fame, power, security – then you don’t need principles; all you need are techniques. On the other hand, if happiness counts more than a good time; respect more than fame; right more than power and peace of soul more than security. If death does not end life but transform it, then you must be true to yourself and to God and to love truth, justice and freedom that are God’s other names.
Nagpapasalamat tayo kay Sen. Diokno at sa marami pang tulad niya na nag-alay ng buhay upang bigyang-patotoo na ang liping Pilipino ay magiting at marangal. Huwag nating muling isuko sa
iisang tao ang ikagagaling ng ating bayan. Huwag nating isuko ang ating kakayanang lumikha ng bayang marangal. Darating ang araw – at sana ay ngayon na – na ang pamunuan ng ating bansa ay maaaring maging daan upang makilala ng bawat Pilipino ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili po tayong mulat. Kapit-bisig po tayong manindigan upang sumaatin ang kaganapan ng pagkatao na siyang paanyaya sa ating lahat ng ating mapagkalingang Diyos.